Jul 15, 2010

Misis ng OFW na hinatulang mabitay sa KSA umapela kay PNoy

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya – Nakiusap kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang maybahay ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nahatulan ng parusang kamatayan sa Saudi Arabia na sagipin ang buhay ng kanyang asawa.

Si Edgardo Genetiano, 50-anyos, ng Brgy Bascaran sa bayan ng Solano, ay hinatulan ng Shariah court sa Saudi Arabia, na bitayin dahil sa pagpatay umano sa kapwa OFW na si Rey Dimaculangan na galing sa Cabuyao, Laguna.

Kasamang nahatulan ng kamatayan ni Genetiano sina Victorino Gaspar ng Roxas, Isabela, at Jun Mequiabas na mula sa Mindanao.

Sinasabing pinagnakawan at pinatay sa saksak si Dimaculangan noong Abril 2007 sa KSA.

Inihayag sa GMANews.TV ng asawa ni Genetiano na si Evelyn, 49-anyos, na nawawalan na siya ng pag-asa na masasagip ang buhay ng kanyang mister kaya humihingi na siya ng tulong kay Aquino. (Basahin: DFA appeals case of 3 OFWs on Saudi death row)

Bukod kay Aquino, sinabi ni Gng Genetiano na dumulog rin siya sa tanggapan nina dating Vice President Noli de Castro at Senador Manny Villar.

“Sir President Noynoy, maawa po kayo sa asawa ko, hindi po ako naniniwala na may kinalaman siya sa nangyaring krimen, tulungan po ninyo ang asawa ko," pakiusap ni Evelyn.

Ayon kay Evelyn, ipinaliwanag ng asawa na hindi nito magagawa ang krimen dahil pauwi na siya ng Pilipinas nang panahon na mangyari ang krimen. Nagtrabaho sa KSA bilang electricial mula noong 2000.

“Nasa airport na kami nang araw na dapat uuwi na siya noong April 21 pero hindi siya dumating. Nalaman lang namin ang nangyari sa kanya pagkalipas ng ilang araw nang tumawag sa amin ang isang kasama niya sa trabaho," kuwento ni Gng Genetiano.

Nitong Hunyo 5 ay nakatanggap umano sila ng impormasyon tungkol sa naging hatol ng korte sa KSA sa kanyang asawa at dalawa nitong kasama. Kung mapagtitibay ng mataas na korte ang hatol, posible umanong ipatupad ang parusang kamatayan sa Disyembre.

Dahil sa sinapit ng asawa, sinabi ni Evelyn na isa sa kanilang mga anak ang tumigil sa pag-aaral sa kolehiyo dahil sa kakapusan ng panggastos. Nasa grade six naman ang bunso nilang anak.

Nitong Martes, lumapit si Evelyn kay Gov. Luisa Cuaresma upang humingi ng pinansiyal na tulong para magkaroon ng panggastos upang matutukan ang kaso ng kanyang mister sa Department of Foreign Affairs sa Maynila. – Floro Taguinod, GMANews.TV

Subscribe to Biztalk and Jobs via Email
Become a fan Biztalk and Jobs in Facebook
Follow me on Twitter

No comments:

Post a Comment

Subscribe to Biztalk and Jobs via Email

Become a fan Biztalk and Jobs in Facebook

Follow me on Twitter

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger... http://www.sharethis.com/get-sharing-tools/ https://www.philippinepcsolotto.com/lotto-results/lotto-result-december-20-2019-6-58-and-6-45